top of page
Writer's pictureSHS Malvar

Wikang Katutubo: Tungo sa isang bansang Filipino

Updated: May 16, 2020

Buwan ng Agosto, labing-siyam (19), taong dalawang libo at labing-siyam (2019), upang maipagdiwang ng Senior High School in Malvar ang Buwan ng Wika, ang Organisasyon ng Filipino at ang Pamunuan ng mga Mag-aaral (SSG) ay nag-organisa ng tatlong pangunahing aktibidad. Ito ay ang Palaro ng Lahi, Pista sa Nayon, at Lakandula at Lakambini 2019, kung saan lahat ng mga mag-aaral ay nakilahok.


Nagkaroon ng anim (6) na grupo, Humanities and Social Sciences Baitang 11 (HUMSS 11), Humanities and Social Sciences Baitang 12 (HUMSS 12), (dahil sa mataas na bilang ng mga mag-aaral sa strand na ito, anim (6) na seksyon kada baiting, pinaghiwalay ang Baitang 11 at 12), Accountancy and Business Management (ABM), Science Technology Engineering and Mathematics (STEM), Technical Vocational and Livelihood Automotive and Home Economics (AUTONOMICS), and Technical Vocational and Livelihood Information Communication and Technology and Electrical Installation and Maintenance (ICT-EIM). Lahat ng mga miyembro ng grupo ay nagbigay ng natatanging pagsisikap at sipag upang mairepresenta ng maayos at maganda ang kanilang kinabibilangan grupo.


Nagsimula ang aktibidad sa pang-umagang gawain, kabilang dito ay ang pagdarasal, pag-awit sa Lupang Hinirang, Himno ng CALABARZON, Himno ng Malvar, Emblazon You at kaunting mga paalala para sa matiwasay na pagdaraos ng Buwan ng Wika. Lumabas ang mga mag-aaral ng nakapila tungo sa malawak na espasyo na pagdadausan ng unang aktibidad.


Ang unang aktibidad ay ang Palaro ng Lahi na naglalaman ng anim (6) na Larong Pinoy. Ang unang palaro ay ang Karera sa Sako; bawat grupo ay mayroong sampung (10) kinatawan, limang (5) babae at limang (5) lalaki. Ang unang miyembro ng bawat grupo ay ipapasok ang kanyang mga binti sa loob ng sako at tatalon pauna hanggang sa maabot ang kono at tatalon pabalik, matapos makabalik sa mga kagrupo, ang sumunod naman sa kanya ang gagawa ng pagtalon hanggang sa ang lahat ng miyembro sa grupo ay makatalon, paunahan makatapos ang bawat grupo. Sa huli ang tinanghal na kampyon ay ang grupo ng AUTONOMICS, sinundan ng ABM, tapos ICT-EIM.



Ang ikatlong laro ay and Luksong Tinik; bawat grupo ay mayroong tatlong (3) babaeng kinatawan. Ang ibang kalahok ng larong ito ay uupo sa lupa at magsisilbing ‘tinik’ ang kanilang mga paa na syang tatalunan ng ibang manlalaro. Ipapatong ng mga manlalarong nakaupo sa lupa ang kanilang mga kamay sa kanilang mga paa kapag nalampasan na ng mga natirang manlalaro ang unang lebel. Pataas ng pataas ang ‘tinik’, ang pinakahuling manlalaro na hindi makadadali sa tinik ay syang panalo. Nagkaroon ng dalawang panalo sa palarong ito, nakamit ito ng AUTONOMICS at ABM.



Ang ikalawang laro ay ang Luksong Baka; bawat grupo ay may dalawang lalaking kinatawan. Kinakailangang tumalon ng mga kalahok sa taya na tinatawag na ‘baka’ ng hindi humahawak o nalalaglag sa baka. Nasungkit ng AUTONOMICS ang unang pwesto, ikalawang pwesto naman ang nasungkit ng HUMSS 11, at ikatlong pwesto naman ang nasungkit ng ABM.


Ikaapat na laro ang Kadang-Kadang, bawat grupo ay mayroong sampung (10) miyembro; limang (5) lalaki at limang (5) babae. Ang dalawang bao ay nakatali sa dalawang mahabang piraso ng lubid at iipitin ito ng mga kalahok sa kanilang mga daliri sa paa, ang lubid ay hawak ng bawat manlalaro. Ang bawat grupo ay iikot sa kono at ang unang makatapos sa laro ay syang panalo. Naiuwi ng grupo STEM ang unang pwesto, sinundan ito ng HUMSS 12, at saka ang AUTONOMICS.




Ikalimang laro ang Patintero, ito ay para lamang sa mga guro. Mayroong pantay na bilang ng miyembro ang bawat grupo. Sa unang laro, ang mga tatakbo ay ang unang grupo at ang pangalawang grupo naman ang taga-bantay. Sa pangalawang laro naman ay unang grupo ang bantay at ang pangalawang grupo naman ang tagatakbo. Sa huli, unang grupo ang nagwagi.


Ang huling laro ay ang Patayugan ng Bolador, bawat grupo ay mayroong tatlumpung (30) minuto upang gawin ang kani-kanilang bolador at limang (5) minuto naman upang paliparin ang bolador. Sa larong ito, iniuwi muli ng AUTONOMICS ang unang pwestp, sinundan ng HUMSS 12 at ICT-EIM.

Matapos ang Palaro ng Lahi, bawat grupo ay naghanda na para sa ikalawang aktibidad, ang Pista sa Nayon. Dito naghanda ang bawat isa ng mga putaheng naglalarawan sa mayamang kultura at produkto ng rehiyon na napunta sa kanila. Mayroong kanya-kanyang disenyo ang bawat silid na nakalaan kung saan nakahain ang mga putahe upang mas lalong maiparamdam sa mga hukom ang rehiyon na kanilang nirerepresenta. Sa pamamagitan ng mainit na pagtanggap, isang magandang bilang mula sa mga mag-aaral at masinsinang eksplanasyon ng bawat pagkain, nakamit ng STEM ang panalo para sa Pista sa Nayon.



Ang huling aktibidad ay ang Lakandula at Lakambini 2019. Bawat kalahok ay nagsuot ng katutubong damit na gawa mismo ng bawat miyembro ng bawat grupo. Gamit ang mga dahon, pandikit, at iba pang mga halaman na pwedeng ipangdisenyo na sinamahan ng matinding sikap at sipag, nagresulta ito sa magagandang kasuotan na nakahuli sa mata ng nakararami. Bawat kalahok ay dinala ang kanilang mga sarili ng maganda, elegante at higit sa lahat ipinakita ang kanya-kanyang katangian na natatangi at kabigha-bighani. Sa huli, itinanghal na Lakandula at Lakambini sa Kasuotan ang STEM, ang nagkamit naman ng ikatlong pwesto na tinawag ding Lakandula at Lakambini ng Nayon ay ang Lakandula ng HUMSS 11 at Lakambini ng HUMSS 12. Ang ikalawang pwesto naman na tinawag ding Lakandula at Lakambini ng Rehiyon ay ang Lakandula ng HUMSS 12 at Lakambini ng HUMSS 11. At ang nagkamit ng unang pwesto, ang Lakandula at Lakambini 2019 ay ABM.






266 views0 comments

Recent Posts

See All